Saan nga ba Talaga Naroroon at Kumikilos ang CPP/NPA/NDF?
Ni Raven
Kadalasan, pag nagtanong ka kung saan naroroon at saan kumikilos ang CPP/NPA/NDF ang maririnig mong tugon ay sa kanayunan at kabundukan. Sa mga balita kasing naririnig natin sa radyo, nababasa natin sa dyaryo at “internet”, at napapanood natin sa telebisyon tungkol sa mga bayolenteng gawain ng NPA gaya ng pananambang ng mga sundalo at pulis, pag atake sa mga kampo, pagpaslang sa mga inosenteng sibilyan, pagpapasabog ng mga cell site at iba pa ay kadalasang nagaganap sa kanayunan at kabundukan at malayo sa kalunsuran kaya hindi nakakapagtaka na magkaroon ng miskonsepsiyon at ganun nga ang naging kasagutan. Pero saan nga ba talaga naroroon at kumikilos ang mga bandidong CPP/NPA/NDF?
Ang CPP/NPA/NDF ay kumikilos sa kanayunan at sa kabundukan ganundin sa kalunsuran. Ayon na rin mismo sa CPP/NPA/NDF, kumikilos sila sa tinatawag nilang WHITE AREA at RED AREA.
Ayon na rin sa kanila, ang RED AREA ay mga lugar na kontrolado ng Partido Komunista ng Pilipinas/Bagong Hukbong Bayan/Pambansang Demokratikong Prente (PKP/BHB/PDP) o mas kilala bilang Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF) na kadalasan ay nasa kanayunan.
Dito isinasagawa o isinusulong ng CPP/NPA/NDF ang kanilang armadong pakikibaka. Dito sila nagsasagawa ng mga mararahas at madugong gawain gaya ng mga nabanggit kanina. Dito rin nila isinasagawa ang pagbabanta, pananakot, pamimilit para mangikil at magrekluta, at pagsasagawa ng pagpukaw, pag organisa at pagpapakilos na gawain para magrekluta ng mga magsasaka, mga mangingisda, mga kalalakihan, kababaihan, at kabataan sa kanayunan. Nagsasagawa rin sila dito ng kanilang ideyolohikal, politikal, at organisasyonal na gawain sa mga kababayan nating nasa mga kanayunan at kabundukan para magbigay aralin para sa pagpapalawak ng baseng masa, pagtatatag ng alyansa at koneksiyon, at paglalatag at paghahanda sa baseng masa para sa malawakang pag aalsa.
Ang RED AREA ay binubuo ng BASENG GERILYA at SONANG GERILYA. Ang baseng gerilya ay binubuo ng mula 6 hanggang 9 na dikit dikit na mga barangay sa kanayunan o kabundukan kung saan may malakas na impluwensiya ang CPP/NPA/NDF. Dito mayroon silang baseng masa. May partido na namamahala at nagpapalakad. May paborableng kapaligiran dahil sa kabisado nila ito at dito kumikilos ang isang armadong grupo na binubuo ng 40-60 armadong gerilya na mas kilala bilang platoon gerilya o PLAGER.
Ang mga kalat kalat na baranggay naman na matatagpuan sa labas ng Baseng Gerilya ay siya namang tinatawag na Sonang Gerilya. Ito ay mga lugar na unti unting naiimpluwensiyahan at naiimpiltra ng CPP/NPA/NDF kung saan kumikilos ang Samahang Yunit Pampropaganda (SYP) at Semi Legal Team (SLT) para sa malawakang pag oorganisa ng masa gamit ang ideyolohikal, politikal, at organisasyonal na gawain.
Pitumpung porsiyento ng pulahang mandirigma ang kumikilos sa sonang gerilya para sa pagpapalawak ng baseng masa at tatlumpung porsiyento ang nakabase sa baseng gerilya.
Ang WHITE AREA naman daw ay mga lugar na kontrolado ng mga kalaban ng PKP/BHB/PDP o CPP/NPA/NDF na pinatatakbo ng reaksiyonaryong gobyerno at kadalasan matatagpuan sa mga Sentrong Lungsod.
Ang layunin ng White Area ay protektahan at suportahan ang rebolusyon at Ilayo ang tao sa pamahalaan at wasakin ang gobyerno. Para suportahan ang armadong pakikibaka, dito kumukuha ng mga kadre para sa madugong pakikipaglaban ang CPP/NPA/NDF na narerekluta mula sa hanay ng mga manggagawa, estudyante, kabataan, maralitang tagalungsod at iba pa.
Ito rin ang pinagmumulan ng suportang pinansyal, lohistikal, teknikal, at organisasyonal para sa armadong pakikibaka. Dito sila nagsasagawa ng pangingikil mula sa mga malalaking kumpanya at pagawaan para suportang pinansiyal sa kilusan. Dito sila kumukuha ng baril, bala, pagkain, damit, gamot, at iba pang lohistikal na bagay. Sa teknikal na aspeto, dito sila bumibili o nagpapagawa ng mga radyo, cell phone, lap top, kamera, at kung anu ano pa.
Sa organisasyonal na aspeto, dito sila nagrerekluta ng mga malalakas at matatalinong estudyante at kabataan na may pekulyar na talento para gawing political officer (PO), medic, at iba pa. Dito rin nila pinaiigting ang propaganda gamit ang pamamahayag o media para ipagtanggol ang kilusan at isulong ang kanilang adbokasya.
Dito rin kumikilos ang mga prenteng organisasyon ng CPP/NPA/NDF sa anyong mga progresibong grupo, mga militanteng sektoral na organisasyon, at mga diumano’y “cause oriented groups” na nagsasagawa ng ideyolohikal, politikal, at organisasyonal na gawain na siya nitong pangunahing papel. Sa mga prenteng organisasyon na ito pinadadaan ang pagrerekluta ng mga pulahang mandirigma at kadre. Ito rin ang naglulunsad ng kanilang ligal, politikal, parliyamentaryong pakikibaka at nagiimpiltra sa pamahalaan para wasakin ito mula sa loob.
Batay na rin sa mga puntong tinalakay natin, maituturing natin na pinakamalaking WHITE AREA ng CPP/NPA/NDF ang METRO MANILA. Patunay lamang ito na ang CPP/NPA/NDF o PKP/BHB/PDP ay kumikilos sa kalakhang Maynila. |