| |
Ang Pagrerekluta ng CPP-NPA sa mga Menor de Edad na Kabataan at Estudyante
Ni Raven
Abot langit ang tanggi ng Partido Komunista ng Pilipinas/Bagong Hukbong Bayan (PKP/BHB) o mas kilala bilang Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) tungkol sa isyu ng pagrerekluta nila ng mga menor de edad na kabataan at mga estudyante na ginagamit nila para isulong ang kanilang armadong pakikibaka. Sa pahayag na rin ng National Democratic Front, hindi daw polisiya ng Partido Komunista ang magrekluta ng kabataan lalung lalo na ng mga menor de edad para gawing Pulahang Mandirigma. Subalit taliwas sa kanilang mga pahayag ang lumalabas na katotohanan. Ayon na rin sa mga balitang lumabas sa radyo, telebisyon, at iba’t ibang pahayagan mula noon hanggang sa kasalukuyan at base na rin sa datos na hawak ng AFP at PNP tungkol sa mga nahuli o namatay na rebeldeng NPA bunga ng lehitimong engkuwentro o operasyong naganap sa pagitan ng mga sundalo at mga rebeldeng NPA, marami ng mga kabataan at estudyante ang napabilang dito.

Website ng NDFP kung saan pinabubulaanan nila ang isyu ng pagrerekluta ng CPP-NPA sa mga kabataan para gawing Pulahang Mandirigma.
Bakit nga ba nangyayari ito? Paano isinasagawa ng mga taong ito ang kanilang panghihikayat? Ano nga ba ang mayroon sa mga kabataan at estudyante at sila’y nagiging biktima ng panghihikayat ng kilusan? Anong lohika meron ang ganitong pangyayari?
Una, ang kaliwang kilusan ay gumagamit ng panlilinlang sa pamamagitan ng mga prenteng organisasyon para makahikayat ng mga walang muwang na kabataan at estudyante. Nagpapanggap ang mga prenteng organisasyong ito bilang mga cause-oriented groups na di umano’y magsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga kabataan at estudyante. Sinasakyan nila ang mga isyu na direktang nakakaapekto sa damdamin at katauhan ng isang bata o estudyante. Sa ganitong paraan madali talaga nilang maloloko, malilinlang, at mahihikayat ang mga kabataan. Tulad na lang halimbawa sa hanay ng mga estudyante, ang pagtaas ng matrikula, komersiyalisasyon daw ng edukasyon, pagbawas o dili kaya’y maliit na pondo na inilaan sa edukasyon ng pamahalaan, kakulangan ng pasilidad o kaya naman ay "campus repression" ay ilan lamang sa mga isyu na talaga namang pagtutuunan ng pansin ng mga mag aaral at kabataan dahil sila ang unang unang maapektuhan nito.
Ang panlilinlang na ito ay istratehiya ng CPP/NPA/NDF na nakaangkla sa ideyalismo at aktibismo na natural lamang sa mga kabataan. Unti unting lalasunin ng mga recruiter ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng AGITATION AND PROPAGANDA. Paiigtingin nila ang mga isyu na ito at isisisi nila sa administrasyon ng unibersidad o kolehiyo at aabot ang sisi hangang sa gobyerno. Maguumpisa sila sa mga lehitimong isyu tungkol sa katiwalian sa gobyerno, kahirapan, kawalan ng hustisya, pang aabuso, at marami pang iba. Dadagdagan at hahaluan nila ang mga ito ng kasinungalingan hanggang sa tuluyan ng malason ang isipan ng bata at magalit sa pamahalaan. Ang bata daw kasi sa murang isipan nito, madaling kumbinsihin. Sa pamamagitan ng mga Educational Discussions (EDs), Discussion Groups (DGs), at Study Circles (SCs), unti- unting iniindoktrinahan ng recruiter ang mga walang kamalay malay na mga estudyante at kabataan tungkol sa araling komunismo at katuruan nina Mao Tse Tung, Vladimir Lenin, at Karl Marx o yung tinatawag na Maoismo, Leninismo, at Marxismo. Susunod, dadalhin nila ito sa mga welga, ihahanay sa front line at pagsasalitain. (Sasadyain ng mga kadre ng CPP/NPA na nakapaloob sa welga ang magkaroon ng kaguluhan at masaktan ang mga estudyante at kabataan para lalong mag alab ang damdamin nito laban sa pamahalaan). Isasama nila ang mga kabataan at estudyante sa mga exposures sa mga komunidad ng mga mahihirap sa kalunsuran para imulat sila sa kahirapan na kanila ring isinisisi sa pamahalaan, at dadalhin pati na rin sa kabundukan para makipamuhay kasama ang mga bandidong NPA hanggang sa tuluyan na itong mabulid na sumapi sa samahan. At pag nasa loob na ang isang bata, mahihirapan na itong tumiwalag sa ambang babalikan sya ng kilusan.
May apat na katangian naman ang mga kabataan at estudyante kung bakit sila ang tinutumbok ng CPP/NPA na reklutin. Una, bukas ang kanilang isipan. Ayon na rin sa katuruang Mao, and isipan daw ng isang bata ay parang isang puting papel na walang sulat o yung “white paper theory”. Anuman daw ang isulat mo dito ay kanilang paniniwalaan. Ang kasinungalingan ay magiging katotohanan, ang mali ay nagiging tama. Anumang karakter ang iguhit mo dito ay kayang pagalawin ng kanilang malikot na imahinasyon.
Pangalawa, sila ay agresibo at mapangahas. Ang pagiging agresibo ay bunga marahil ng kanilang pagiging mapusok na gawin ang mga bagay kahit na ito ay peligroso o delikado. Ang kanilang kuryosidad at lakas ng loob ang siya namang nagtutulak para maging mapangahas at subukan ang mga bagong gawain.
Pangatlo, ang kabataan ay may malakas na pangangatawan. Kailangan ng CPP/NPA ng mga kabataan para sa kanilang armadong pakikibaka sa kabundukan. Kailangan nila ang lakas, liksi, at bilis ng kabataan para itaguyod ang kanilang pakikipaglaban sa kabundukan. Mahirap nga naman kung may edad na at may rayuma at athritis ang kanilang reklutahin at dalhin sa kabundukan, magiging pabigat lang ito sa kanilang paglalakad lalo na kung makakasagupa at magkakahabulan laban sa mga sundalo. Ang bata daw kasi, kahit di mo pakainin ng ilang araw kakayaning maglakad ng malayo at umakyat sa mga matatarik na kabundukan.
Ang ika-apat, ang kabataan daw ay magandang daluyan ng PAMPULITIKANG ADHIKAIN ng kilusan para sa matagalang DIGMAANG BAYAN. Oo nga naman, kapag ang bata ay naugnayan ng kilusan sa murang edad pa lamang, sa haba ng panahon na kanyang ilalagi sa mundo, kung siya ay susuwertehin, kumpara sa mas matanda na natural na mas mauunang mawawala, mas mahabang panahon ang kanyang maaring igugol para isulong ang armadong pakikibaka.
Click HERE to see related video "Batang Mandirigma" |
|