Ang Proseso ng Pagrerekluta ng CPP/NPA sa mga Estudyante at Kabataan
Ni Raven

Nakaangkla sa ideyalismo at aktibismo ng kabataan ang pagrerekluta ng grupong Partido Komunista ng Pilipinas/Bagong Hukbong Bayan (PKP/BHB) o mas kilala bilang Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA). Kadalasan, mga menor de edad ang kanilang binibiktima. Sinasamantala nila ang kainosentehan at murang isipan ng kabataan para linlangin at buyuin na sumapi sa kanilang kilusan. Gumagamit sila ng mga prenteng organisasyon na nagpapangap bilang mga progresibong organisasyon at “cause oriented groups” na diumano’y magsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga kabataan at estudyante. Bahagi ito ng kanilang mapanlinlang na istratehiya para makapagrekluta.

        

Ang pagrerekluta ng CPP/NPA sa mga estudyante at kabataan na kadalasan ay mga menor de edad ay dumadaan sa isang proseso, Ito ay nagmumula sa isang pagiging potensyal na rekrut hangang sa lubusang maging ganap na kasapi (full time member o FT) o di kaya’y maging kasapi ng partido (party member).

        

Kadalasan nag uumpisa ang pagrerekluta sa umpisa ng pasukan at kadalasan nagaganap ito sa araw ng oriyentasyon ng mga bagong estudyante para talakayin ang mga regulasyon at polisiya ng unibersidad o kolehiyo (kung sa kolehiyo ang ginagawang pagrerekluta). Ang tinutumbok ng mga rekruter o ispater ay ang mga freshmen o yung nasa unang taon pa lamang sa kolehiyo sa kadahilanang sila nga ang madaling linlangin. Ang freshmen daw kasi ay naghahanap ng sense of belonging o grupo na kanyang mabibilangan dahil kadalasan ay bago lang sila sa unibersidad o kolehiyong pinapasukan. Bakit freshmen? Bakit hindi yung nasa pangatlo o pang apat na taon (3rd year and 4th year)? Kasi ang mga estudyante na nasa pangatlo o pang apat na taon na sa kolehiyo ay nakatuon na ang atensyon sa kanilang minimithing pagtatapos.

        

Habang nagaganap ang oriyentasyon, matamang nakamasid ang rekruter o ispater (sa katauhan ng isang estudyante, guro, o dyanitor at marami pang iba) na kasapi ng isang prenteng organisasyon, sa mga bagong estudyante na nakikinig sa oriyentasyon. Nagoobserba lamang ang rekruter sa mga estudyante na naroroon. Maghahanap siya ng estudyante o mga estudyanteng bibiktimahin. Mas dagdag na puntos sa isang potensiyal na rekrut ang pagiging matanong, mahusay magsalita, radikal, asertibo sa kanyang mga karapatan, matalino at nagtataglay pa ng iba pang katangian na sa tingin ng rekruter ay siya niyang hinahanap para sa isang potensiyal na rekrut.

       

Kakaibiganin ng rekruter ang kanyang biktima o mga biktima. Maaring gumamit siya ng tulay para makilala ang biktima o di kaya’y aalamin niya ang interes nito at ito ang kanyang gagamitin para mapalapit dito. Kung mahilig magbasa ng libro, pahihiramin niya ito ng mga libro o kung mahilig manood ng sine yayayain niya ito o di kaya’y ililibre. Sa madaling salita, unti unting kukunin ng rekruter ang loob ng biktima. Minsan, yayayain ng rekruter ang biktima o mga biktima na sumali sa oriyentasyon at pagpupulong, seminar o workshop, o di kaya film showing ng kinaaanibang prenteng organisasyon. Pagkatapos nito, dito na ipapakilala ng rekruter ang potensyal na rekrut sa mga opisyales at kasapi ng grupo. Dito ipakikilala nila ang grupo na diumano'y nagsusulong ng kapakanan at karapatan ng mga estudyante. Bibigyan ng application form ang biktima para kanyang sagutan. Dito kinukuha ng rekruter ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa biktima na kalaunan ay magagamit niya para lubusang mahikayat ang biktima. Kasama na dito yung mga hilig, tribong kinabibilangan, tagasaang probinsiya, kalakasan at kahinaan at marami pang iba.

        

Mapapadalas na ang pagsali ng biktima o mga biktima sa mga pagpupulong at sa mga Educational Discussions (EDs), Discussion Groups (DGs), at Study Circle (SCs) at dito na inuumpisahang pukawin ang damdamin ng potensiyal na rekrut gamit ang mga isyu gaya ng pagtaas ng matrikula, komersiyalisasyon ng edukasyon, kakulangan ng pasilidad sa eskuwelahan, "campus repression" at iba pa na direktang nakakaapekto sa biktima at isisisi ito sa administrasyon ng unibersidad o kolehiyo at aabot ang sisi hanggang sa gobyerno. Dahan dahang itinataas ang pampulitikang kamalayan ng biktima. Unti unti na ring binibigyan ng mga araling komunismo pero hindi pa ibinubunyag ng rekruter (isang kasapi ng Semi Legal Team o SLT) ang may akda ng aralin. Mga araling gaya ng ARALIN NG REBOLUSYONARYONG AKTIBISTA (ARAK), at BATAKANG KURSONG MASA. Unti unti na ring ipinakikilala ang totoong kulay at adbokasya ng organisasyon. Binibigyan na rin ng tungkulin o tasking ang rekrut gaya ng tinatawag na OD/OP o yung OPERATION DIKIT/OPERATION PINTA. Ito ay yung pagdidikit ng mga poster na pampropaganda o di kaya sa pagpipinta ng mga graffiti sa mga pader o dinding gaya ng “MABUHAY ANG CPP/NPA”. Hihimukin din ang biktima o mga biktima na magrekluta ng iba para sumapi sa grupo. Sa puntong ito, maituturing na isa nang ganap na MASS ACTIVIST ang biktima. Dito pipiliin na ng rekruter kung sino sa mga potensyal na rekrut ang aakyat sa susunod na antas, ang pagiging UNDERGROUND (UG) MEMBER.

        

Pag naging UG member na ang biktima, inaatasan na siyang sumali sa mga welga, demonstrasyon, at kilos protesta. Inaatasan na rin siyang magrekluta ng ibang estudyante para sumali sa mga MASS DEMONSTRATION at MASS PROTESTS. Ang ilan ay nagiging lihim na organisador at nagpapatakbo ng kilusang lihim. Nakikipamuhay sa mga komunidad ng mga mahihirap para mamulat sa kahirapan at lubusang mapukaw ang damdamin. Ang rekruter (miyembro ng SLT o di kaya’y isang Lihim na Organisador (LO) ) na siyang namamahala sa mga UG members na galing sa iba’t ibang eskuwelahan at sa mga gawain ng grupo, ay nagbibigay ng dagdag na araling komunismo sa rekrut at sa pagkakataong ito ihinahayag na ng rekruter ang may akda ng pilospiyang itinuturo. Tuloy tuloy din ang pagsala ng rekruter kung sino sa mga rekrut ang magiging KANDIDATONG KASAPI (KK) o CANDIDATE MEMBER (CM).

        

Ang isang KANDIDATONG KASAPI (KK) ay sumasailalim sa mas mataas na kaaralang komunismo; nagiging pasimuno sa kaguluhan sa mga welga at kilos protesta (agitator); inaatasang makipagugnayan sa ibang grupo sa ibang paaralan, pamunuan ang OD/OP ng mga MASS ACTIVIST, naaatasang magorganisa at magbigay araling pampulitika, magsagawa ng mga EDs, DGs, at SCs sa mga kasapi ng legal na organisasyon. Tahakin ang landas ng isang kandidatong kasapi at magkaroon ng koda at magsanay sa gawaing masa sa tulong ng rekruter (isang kasapi ng Samahang Yunit Pangpropaganda o SYP) at sumailalim sa BASIC MASS INTEGRATION (BMI) o pakikipamuhay kasama ng mga rebeldeng NPA sa kabundukan. Pag nalagpasan ng KK ang anim na buwan hanggang dalawang taon na INTEGRATION maari na siyang iakyat na maging isang GANAP NA KASAPI.

        

Pag nanumpa na bilang isang GANAP NA KASAPI (GK) binibigyan na ito ng pangalawang koda. Sumailalim sa mga katuruan tungkol sa kilusan. At base na rin sa obserbasyon ng Team Leader ng SYP na siyang namamahala sa kanila, ang mahilig sa adbentyur, malakas ang pangangatawan, at may inklinasyon sa armadong pakikibaka ay ginagawang full time na rebeldeng NPA, dinadala sa ibang lugar at ginagawang opisyal ng ibang yunit ng NPA habang ang mga mahusay magsalita at magaling manghikayat ay ibinabalik sa White Area (kadalasan ay kalunsuran) para maging organisador at rekruter. Sa tulong ng rekruter (isang Team Leader ng SYP), ang isang GANAP NA KASAPI ay dumadaan sa oriyentasyon tungkol sa pamamaraan ng kilusan, magsanay sa guerilla warfare, at mag-aral ng MASS EDUCATION at PROPAGANDA. Kung may potensyal ang isang GANAP NA KASAPI (GK) maari itong iakyat na maging KASAPI NG PARTIDO o PARTY MEMBER (PM).

        

Binibigyan ng posisyon ang isang KASAPI NG PARTIDO, nagiging bahagi siya ng CORE GROUP ng NATIONAL DEMOCRATIC UNDERGROUND MOVEMENT (NDUGMO), namamahala ng mga legal na organisasyon sa kalunsuran (White Area) o kaya’y namumuno ng isang yunit ng NPA sa kabundukan (RED AREA).

        

Ganito ang ebolusyong dinadaanan ng isang potensyal na rekrut bago niya maabot ang pagiging ganap na kasapi o di kaya’y kasapi ng partido. Mula sa isang simpleng estudyanteng repormista hanggang sa isang hard core na komunista.