Kape at Gatas
Ni Estoy
Ito po ay para sa isang pamayanang may mentalidad na kung ano ang nakagisnan ay siya narin ang pinaniniwalaan… Ito madalas ang nakatatak na sa isip ng bawat Pilipino, na kung ano ang kanilang nababasa, napapanood at nakikita ay siya naring tumatatak sa isipan nila. Ngunit minsan ito ay taliwas sa katotohanan lalo na at hindi ka lubos na nagsisiyasat.
Ito ay tulad na lamang sa ating pagkakakilanlan sa ating Hukbong Sandatahan. Maraming maling konsepto ang maaaring ipukol sa ating kasundaluhan. Tulad halimbawa na ang ating mga sundalo ay mararahas at walang ibang ginawa kundi maghanap ng mga kalaban sa mga kabundukan sa malalayong probinsya. Pero lingid sa kalaman ng nakakarami, ang ating mga sundalo ay may pusong mapagmahal. Na anumang oras, handang gawin ang lahat para sa kaayusan at kapayapaan ng ating bansa. Tulad ng kanilang pagiging isang magulang na may pagpapahalaga para sa kanilang pamilya.
Kaya para ipaabot at ipakita sa mamamayan ang pagiging matulungin ng ating mga sundalo, sila na mismo ang lumalapit upang maipaabot ang anumang tulong na puwede nilang ibigay at gawin para sa ikabubuti ng ating komunidad. Sila na mismo ang bumaba sa mga “kabundukan” upang maglingkod at magsilbi sa mas nakakarami.
Ito na ngayon ang malaking responsibilidad na ginagampanan ng Civil Military Operations Battalion o CMO Bn ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Unti-unti na nilang pinapasok ang mga barangay upang alamin ang mga problema at hinaing ng bawat komunidad. Na sa pamamagitan ng nito, nailalapit nila ang mga problema at hinaing ng bawat mamamayan at pamayanan sa mga ahensya ng ating pamahalaan upang mabigyang pansin at malunasan ang kanilang mga problema. Ang CMO Battalion ay siyang nagsisilbing tulay upang mas lalong mapadali at malampatan ng lunas ang mga hinaing ng bawat komunidad na kanilang nasasakupan. At dahil na rin sa CMO Bn, mas lalong nagkakaroon ng tiwala ang ating mamamayan na sila ay pinahahalagahan ng ating pamahalaan. |