Panlilinlang, Istratehiya ng CPP/NPA
Ni Raven

Tuso ang mga bandidong CPP/NPA, gumagamit sila ng panlilinlang at napakahusay nila magtahi tahi ng mga kasinungalingan para lokohin ang taumbayan para kunin ang kanilang suporta para maisulong ang kanilang baluktot at bayolenteng ideyalismong komunismo. Ang komunismo ay isang ideyolohiya na tinalikuran na ng mga bansang Rusya at Silangang Alemanya na dating mga hard core na mga komunistang bansa. Ang bansang Tsina ay unti unti na ring inaakap ang kapitalismo at demokrasya. Namulat na kasi ang mga bansang ito na hindi maganda ang ideyolohiyang komunista. Subalit nakapagtataka na ang CPP/NPA ay patuloy na itinataguyod ang ganitong ideyolohiya sa pamamagitan ng bayolente at madugong pakikibaka bilang pangunahing pamamaraan na sinesegundahan ng kanilang ligal at politikal na pakikibaka.

        

Lahat ng istratehiya na maaring gamitin ay ginagamit nila para maisulong ang kanilang baluktot na paniniwala. Isa sa mga istratehiyang pinakapaborito nilang gamitin ay ang panlilinlang na sa wikang ingles ay deception na may depinisyon sa Meriam Webster Dictionary na “the act of deception” o sa wikang Pilipino ay ang gawaing makapanloko.

        

Isang malinaw na manipestasyon ng kanilang panloloko ay ang pagrerekluta nila ng mga menor de edad na kabataan at estudyante para gawing Pulahang Mandirigma para magsulong ng kanilang armadong pakikibaka. Napakahusay nilang manlinlang, noong kasagsagan nang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng CPP/NPA, gumawa at nagsulong sila ng isang kasulatan na kung tawagin ay Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL) at dito binalangkas ang mga iba’t ibang panukala para maprotektahan daw ang karapatan ng tao. Isa sa mga naging probisyon ng kasulatang ito ay ang mapangalagaan ang karapatan ng kabataan.

        

Kung titingnan mo puro palabas lang ang ginawa nilang ito para kundisyunin ang isipan ng taumbayan para hindi sila mapagdudahan na nagrerekluta ng mga menor de edad na kabataan at estudyante. Ngunit ilang menor de edad na nga ba ang napariwara dahil sa panlilinlang nila? Paano nila pasisinungalingan ang nangyari kay Edfu dela Cruz, Kay Katrina Gatlabayan Zapanta, kay Erica Salang Joaquin at sa libu libo pang kabataan na nasira ang kinabukasan o namatay sa enkuwentro dahil sa kanilang panlilinlang. Di na nila maibabalik ang buhay ng mga namatay at hindi na rin maibabalik ang mga nasayang na panahon sa buhay ng mga dating rebeldeng NPA na sumuko at nagbalik loob sa pamamagitan ng programang amnestiya ng pamahalaan.

        

Isa pang malinaw na ebidensiya ng kanilang panlilinlang ay ang nangyaring pambobomba sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971. Ayon na rin ito sa pagsusuri at pag aanalisa na ginawa ni Amando Doronila na ipinahayag sa The Manila Chronicle noong Agosto 3, 1989, base na rin ito sa aklat na isinulat ni Gregg Jones na pinamagatang “RED REVOLUTION Inside the Philippine Guerilla Movement”. Si Gregg Jones ay isang amerikanong manunulat na nakipamuhay sa mga rebeldeng CPP/NPA sa kabundukan para makabuo ng isang libro tungkol sa kilusang CPP/NPA. Ang pagaanalisang ito ay sinegundahan din ni Victor Corpus na isa ring dating rebeldeng NPA na may mataas na katungkulan sa kilusan, sa aklat niyang pinamagatang “THE SILENT WAR”. Sinangayunan din ito ni Ka Peters na isa sa mga nagtatag o founding member ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) o Communist Party of the Philippines (CPP) sa aklat niyang “THE STORY BEHIND THE PLAZA MIRANDA BOMBING”

 


Mga aklat na nagbunyag ng buong katotohanan tungkol sa totoong nangyari sa naganap na pambobomba sa PLAZA MIRANDA noong Agosto 21, 1971.

        

Ang nangyari sa Plaza Miranda ay isang panlilinlang bunga nang isa pang istratehiya na kanilang ginagamit, “na paigtingin ang tunggalian ng mga naghaharing uri…” o sa wikang ingles ay ang “divide and conquer technique”. Pinagsabong ng CPP/NPA ang dalawang dominanteng partidong politikal sa ating bansa noong kapanahunan ni dating Pangulong Marcos, ang Partido Liberal at ang Partido Nasyonalista, para nga naman pagnakaubusan sila, ang CPP/NPA na ang mamamayani.

        

Ang insidenteng ito ay bahagi pa ng mas malalim na plano ng CPP/NPA para isulong ang kanilang armadong pakikibaka. Noong mga panahong iyon mataas ang galit ng taumbayan laban sa rehimeng Marcos dahil na rin sa katiwalian, kurapsyon, pang aabuso, at marami pang iba. Bumuo ng plano ang kilusan na tinaguriang “OPLAN IGPAW” o OPLAN “QUANTUM LEAP”. Sa planong ito, gusto ng CPP/NPA na mapabilis ang pagdami ng kadre ng kilusan para sa nakaambang pagdating ng isang shipment ng barko na puno nang armas galing sa bansang Tsina na siyang nagsusuplay ng armas sa kilusan.

        

Mismo ang CPP/NPA ang nagpasabog ng dalawang Granada sa naganap na Miting de Avance ng Partido Liberal sa Plaza Miranda na ikinasawi ng siyam na tao at ikinasugat ng mahigit isandaang iba pa kasama na dito ang dating Senador Jovito Salonga Jr. Gamit ang kanilang mapanlinlang na istratehiya, ibinunton agad ng kilusan ang sisi sa dating pangulong Marcos na kasapi ng Nacionalista party na kalaban ng Liberal Party. Sinakyan nila ang nagpupuyos na damdamin ng masang Pilipino para makahikayat ng suporta at makapagrekluta ng kadre na dadalhin sa kabundukan. Sa husay ng kanilang propaganda, maraming tao ang agad na napaniwala nila sa napakalaking kasinungalingang ito. Bunsod nito mas lalong nag alab ang damdamin ng taumbayan laban sa rehimeng Marcos. Maraming kabataan ang nahikayat noon na sumali sa mga kilos protesta at kalaunan ay namundok na rin. Bunga na rin nang pangyayari, umigting din ang tensiyon sa pagitan ng dalawang dominanteng partido ng bansa, ang Partido Liberal at Partido Nasyonalista.

        

Malinaw na malinaw na bahagi ng istratehiya ng CPP/NPA ang gumawa ng kasinungalingan at panlilinlang para sa ikatatagumpay ng kanilang adhikain. Hindi kaya’t ang mga isyu ng Extra Judicial Killings, militarisasyon, at kung ano ano pa ay bahagi nang mga kasinungalingan na bahagi ng mapanlinlang na istratehiya ng CPP/NPA para sirain ang pangalan ng AFP na isang malaking balakid sa kanila para tuluyang mapabagsak ang demokrasya at tuluyan nang manaig ang kanilang isinusulong na ideyolohiyang komunsimo? Nakakakilabot naman kung ganoon.