Pangingikil ng CPP-NPA, Umpisa ng Katiwalian
Ni Raven

Sa tuwing sasapit ang halalan, nasyonal man o lokal, palaging laman ng mga pahayagan maski na rin sa internet, madidinig din natin sa mga radyo, at mapapanood sa balita sa telebisyon ang pangingikil ng mga bandidong CPP/NPA sa mga kandidatong naghahangad na maglingkod sa taumbayan. Hinihingan ng malaking kaukulang halaga ng mga bandidong NPA ang mga kandidato na nagnanais mangampanya sa mga lugar sa kanayunan na maituturing na teritoryo ng CPP/NPA/NDF kung saan mayroon silang malakas na impluwensiya.

 


Balitang isinulat ni Felipe V. Celino ng INQUIRER.net hingil sa "Permit to Campaign" (PTC) policy ng CPP/NPA na ipinatutupad sa Capiz.

        

Sa kagustuhang manalo ng isang kandidato sa mga lugar na ito para makamtan ang minimithing ambisyong poltikal, nagbibigay sila ng halagang hinihingi ng mga bandidong CPP/NPA. Ang halagang ito na kung tawagin ay “permit to campaign fee” o bayad permiso ay nagsisilbing “safe conduct pass” o tiket para makapangampanya ang kandidato sa mga lugar na ito.

        

Ang perang ibabayad ng kandidato ay rebolusyonaryong buwis daw na dapat ibigay ng isang kandidato sa kilusan. At sinuman daw sa mga kandidato ang hindi sumunod sa patakarang ito na pinaiiral ng kilusan ay papatawan daw ng karampatang parusa.

 


Narekober na sulat mula CPP-NPA na naglalaman ng pangingikil (Permit to Campaign Policy) at ng bantang pananakot ng CPP/NPA sa isang kandidato.

        

Pero kung pagninilay nilayan natin ang pangingikil na ito ng mga bandidong CPP/NPA, dito nag uumpisa ang katiwalian ng isang nahalal na opisyal ng gobyerno. Panay ang batikos ng CPP/NPA/NDF sa mga opisyales sa pamahalaan na pinararatangan nila ng kurapsyon at katiwalian, subalit sila mismo ang nagtulak sa mga taong ito na maging ganun. Pero paano ba nangyayari yun?

       

 Kung ang kandidatong nagbayad ng “permit to campaign fee” sa kilusan ay palarin at manalo, saan ba babawiin ng bagong halal na opisyal na ito ang malaking perang ibinayad niya sa kilusan? Siguradong sigurado po ako na sa kaban ng bayan babawiin ng bagong halal na opisyal na ito ang perang ginastos niya pambayad sa kilusan.

 


"Permit To Campaign" (PTC) Form na narekober mula sa NPA.

       

Ayon na rin sa mga dokumentong nakuha mula sa mga bandidong CPP/NPA bunga ng matagumpay na operasyon ng kasundaluhan, lumilitaw na liban sa perang binabayaran niya, pumapasok sa isang kasunduan ang isang kandidato para makapangampanya sa mga lugar na hawak ng kilusan.

        

Nakasaad sa kasunduang ito na kapag nanalo ang isang kandidato, lahat ng proyektong ipatutupad nya bilang halal na opisyal, 15 hangang 20 porsiyento ng kabuuang halaga nito ay dapat niyang ibigay sa kilusan. Ulit, isa na namang malinaw na pangingikil.

        

Punong puno ng kontradiksyon ang CPP/NPA/NDF, isinisisi nila palagi ang kahirapan ng taumbayan sa katiwalian ng mga namumuno sa ating bayan subalit kung susuriin nating mabuti, sila mismo ang nagtutulak sa mga ito na maging kurakot at tiwali na nagiging sanhi ng kahirapan sa ating bayan.